top of page

Ang Natutuhan Ko nang Lumubog ang Aking Bangka

Anna Mae Yu Lamentillo

Originally published in Night Owl: A Nationbuilder's Manual (Edisyong Filipino)


Noong 2012, ilang buwan bago ang aking pagtatapos, bumisita ako sa mga katutubong Tagbanua sa Sitio Calauit. Noong papunta kami sa Palawan, bandang alas diyes ng gabi, lumubog ang sinasakyan naming bangka. Labindalawa kaming lahat, tatlo lang ang marunong lumangoy. Isa lang ang life vest, isang plastic container na ginagamit bilang water dispenser. Sa loob ng halos isang oras, kumapit kami sa isang kawayan sa gitna ng dagat. Sinubukan naming isalba ang aming mga gamit, ngunit binitawan din namin nang masyado na kaming mabigat para sa katig para lumutang.


Binago ako ng aking mga natutuhan nang gabing iyon. Sabi nila, ang kabataan ay hindi kailanman isang garantiya ng pagkakataon o oras. Ngunit hindi mo ito mauunawaan hanggang sa sandaling iyon ng panganib. Sa mga oras na iyon, tatlong bagay lang ang nasa isip ko: ang mga taong mahal ko, ang mga bagay na gusto kong gawin, at ang mga salitang hindi ko kailanman nasabi.


Ilang oras matapos ang insidente, pinapili kami kung babalik kami sa Maynila o magpapatuloy sa aming immersion. Pinili namin ang huli at pagkatapos ng apat na araw sa komunidad, nasaksihan namin kung paano bumangon ang mga Tagbanua sa kabila ng hamon ng pagmamamay-ari ng kanilang lupa, upang muling buuin ang kanilang buhay sa pamamagitan ng diwa ng “gulpi-mano” o bayanihan.



Silid-aralang walang pako

Idineklara ng National Commission on Indigenous Peoples ang Calauit Island bilang ancestral domain noong Marso 2010. Mahigit 36 na taon nang ipinaglalaban ng mga Tagbanua ang lupain. Ang unang paaralan na nag-alok ng diploma sa elementarya, ay may humigit-kumulang 200 mag-aaral. Kapag nakapagtapos sila, kadalasan ay aalis sila patungong Coron para mag-aral ng high school o kolehiyo.


Sa hapon, ang mga lalaki ay nagtitipon upang pahusayin ang imprastraktura ng komunidad habang ang kababaihan ay nagbubunot ng damo sa taniman ng saging. Gumamit sila ng mga materyales na madaling makuha sa komunidad. Sa halip na mga pako, ginamit ang iba’t ibang uri ng mga buhol.


Laging sariwa ang pagkain

Ang mga Tagbanua ay lubos na umaasa sa dagat para sa pagkain at kabuhayan. Itinuro nila sa amin na ang survival at sustainability ay posible lamang kapag ang yamang tubig ay protektado. Upang mapangalagaan ang kanilang kapaligiran, regular silang nagsasagawa ng reforestation ng mga bakawan at salit-salit na pagtatanim ng mga binhi sa panahon ng low tide.


Dito, tubig ang pinakamahalagang kalakal. Nag-iimbak sila sa mga dram at matipid ang paggamit ng tubig. Ang paliligo ay limitado sa isang balde lamang.


Sa loob ng ilang araw, ang sinasabing “essential” ay hindi mahalaga.



Walang kuryente, Wifi o TV, ang mga pagkain ay laging sariwang inihahain, ang mga batang babae ay naglalaro ng bahay-bahayan sa ilalim ng mga puno at ang mga lalaki ay hindi natatakot na tamasahin ang mga bulaklak. Sa komunidad na itong walang signal ng cellphone, alam ng lahat ang gitnang pangalan ng bawat isa, bihira ang paghihiwalay, at ang mga gawain ay ginagawa ng buong komunidad.


Ang Sitio Calauit ay talagang isang tahanan na inaalagaang mabuti.

Anna Mae "Anime" Yu Lamentillo Logo
bottom of page