top of page

Sa Loob ng Limang Taon: 5,950 na mga Tulay

Anna Mae Yu Lamentillo

Originally published in Night Owl: A Nationbuilder's Manual (Edisyong Filipino)


Ayon sa World Risk Report, ang hindi sapat at hindi mahusay na imprastraktura at mahinang logistic network ay nagdudulot ng mas mataas na panganib na ang isang matinding natural na sakuna ay maging malaking kapahamakan. Ang Pilipinas ay nasa kahabaan ng Pacific Typhoon Belt at nasa loob ng Pacific Ring of Fire. Ang heograpikong lokasyon ng bansa ang naglalantad dito sa mga natural na panganib. Sa katunayan, sa 2017 World Risk Report, pumangatlo ang Pilipinas sa 171 na mga bansa sa pamantayan ng pagkalantad sa mga natural na sakuna at sa mga panganib na nauugnay dito.


Mataas ang vulnerability ng mga tulay. Mula noong Hulyo 2016, ang DPWH ay nakakompleto ng kabuuang 5,950 tulay--1,389 dito ang na-rehabilitate, 1,366 ang pinalawak, 355 ang bagong gawa, 297 ang pinalitan, at 1,805 ang na-retrofit. Nagawa rin ang 738 na mga lokal na tulay.

 

Kabilang dito ang pagpapalit ng 365-metrong Lisap Bridge sa kahabaan ng Calapan South Road Bongabong, Oriental Mindoro, na nagdurugtong sa Barangay Lisap at Barangay Hagan, na natapos noong Pebrero 2018; at ang pagpapalawak ng 650-metrong Governor Miranda Bridge II, na nagsisilbing pangunahing daanan ng mga motorista mula Davao City patungo sa ibang bahagi ng Davao Region.


Cebu Cordova Link Expressway

Ang pagpapalawak ng 140-metrong Davao River Bridge (Ma-a Bridge) sa kahabaan ng Davao City Diversion Road ay natapos din noong Abril 2018. Ang oras ng paglalakbay ay gumaan sa pagitan ng Barangay Ulas at Barangay Buhangin ng 62.5 porsyento, mula sa dating 80 minuto ay naging 30 minuto na lamang. Nasa 31,576 motorista kada araw ang nakikinabang dito.

 

Bukod dito, nasa 83.84 porsyento nang kompleto ang 8.5-kilometrong Cebu-Cordova Link Expressway (CCLEX) na nag-uugnay sa Cebu City at Cordova. Kapag natapos na, ito ang magiging pinakamahabang tulay sa Pilipinas.

 

Metro Manila Logistics Network 

Bilang karagdagan sa kasalukuyang 30 tulay na tumatawid sa Ilog Pasig, Marikina River, at sa Manggahan Floodway, na ginagagamit ng humigit-kumulang 1.30 milyong sasakyan araw-araw, 11 bagong tulay ang itatayo sa lugar upang magbigay ng mga alternatibong ugnayan sa pagitan ng mga pangunahing lansangan at paramihin ang bilang ng magagamit na mga daanan. Ito rin ang magpapaluwag ng trapiko sa Epifanio de los Santos Avenue (EDSA) at iba pang pangunahing kalsada sa Metro Manila.

 

Nakompleto na namin ang feasibility ng anim na tulay sa ilalim ng Metro Manila Logistics Network, kabilang ang North at South Harbour Bridge, ang Palanca Villegas Bridge, ang East West Bank Bridge 2, ang Marcos Highway - St. Mary Avenue Bridge, Homeowner's Drive - A Bonifacio Bridge, at Kabayani St. - Matandang Balara Bridge.

 

Kompleto na ang BGC Ortigas Link Bridge, na mas kilala sa tawag na Kalayaan Bridge. Ang four-lane bridge sa Pasig River na nag-uugnay sa Lawton Avenue sa Makati City, Sta. Monica Street sa Pasig City, at Bonifacio Global City sa Taguig, ay epektibong nagpabawas sa oras ng paglalakbay ng hindi bababa sa 80 porsyento — mula sa isang oras ay 12 minuto na lamang.


BGC Ortigas Link Bridge

Kompleto na rin ang Estrella-Pantaleon Bridge, na nagdurugtong sa Estrella Street sa Makati at Barangka Drive sa Mandaluyong, at kayang tumanggap ng humigit-kumulang 50,000 sasakyan araw-araw.


Ang Binondo-Intramuros Bridge, na nasa 72 porsyento nang kompleto, ay mag- uugnay sa Intramuros mula sa Solana Street at Riverside Drive at magkokonekta sa Binondo sa San Fernando Bridge.

 

Ipinapatupad din ng DPWH ang Metro Manila Priority Bridges Seismic Improvement Project, na kinabibilangan ng retrofitting at reinforcement ng Guadalupe Bridge at Lambingan Bridge. Sinimulan noong 2019, ito ay target na matapos sa 2021. Ito ay magtitiyak sa kaligtasan ng may 365,000 motorista na gumagamit ng Guadalupe Bridge at nasa 30,257 motorista na dumadaan sa Lambingan Bridge araw-araw.

Anna Mae "Anime" Yu Lamentillo Logo
bottom of page